P1.4 bilyong heavy equipment project sa NIA pinatitigil
Hiniling ng grupong “Public Taxpayers” na pigilin ang napipintong awarding ng P1.4 bilyong halaga ng “heavy equipment” project ng National Irrigation Administration (NIA) dahil sa hinalang may anomalya sa bidding.
Sinabi ni Atty. Rex Bonifacio sa kanyang liham sa Department of Agriculture (DA) na may petsang Enero 22, 2009 na “inelligible” umano ang pinapaborang mga “bidders” ng bidding committee ng NIA.
Sa nakuhang dokumento sa Securities and Exchange Commission (SEC), nadiskubre na wala umanong kakayahan ang isa sa dalawang bidders para lumahok sa proseso.
Nabatid na ang nanalong bidder ay tatanggap ng “Approved Budget Contract (ABC)” na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon para sa pagsu-suplay at delivery ng 208 units ng “hydraulic excavators” at 15 units ng “truck tractors” na may kapasidad na 25 tonelada sa NIA na gagamitin naman sa restorasyon ng mga irigasyon at kanal sa buong bansa.
Sa ilalim umano ng Government Procurement Reform Act, kinakailangan na ang isang bidder para manalo ay nakapag-suplay na ng parehong equipments na katumbas ng kalahati ng halaga ng ABC para masabing kuwalipikado at may kakayahang maisuplay ang mga kagamitan.
Lumilitaw sa dokumento ng SEC na ang isa sa hindi pinangalanang mga bidder ay nagawang makapagdeliver sa nakaraang transaksyon nito noong 2004 ng heavy equipments na may halagang P228.5 milyon samantalang ang isa pang bidder ay nagawang makapagdeliver ng P154.3 milyong halaga ng heavy equipments noong taong 2000.
Dito lumalabas na wala pa sa kalahati ng tinatarget na P1.4 bilyong ABC ang naideliber ng mga ito.
Nanindigan naman si DA Undersecretary for Operations Jesus Manuel Paras na walang iregularidad sa kanilang bidding process at lahat ay dumaan sa pag-apruba ng kanilang board. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending