Binalaan kahapon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang actor at tinaguriang “bad boy” ng pe likulang Pilipino na si Robin Padilla na huwag mangahas na pasukin ang kuta ng mga kidnappers kaugnay ng isinasagawang negosasyon para sa pagpapalaya sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na bihag ng bandidong Abu Sayyaf sa Sulu.
Ayon kay Teodoro, lubhang delikado at hindi malayong pagtangkaan ding bihagin ng mga bandido si Padilla dahil mga halang umano ang kaluluwa ng mga ito at wala ng sinasanto sa ngalan ng pera.
Si Padilla ay inimbitahan ng grupo ng paksyon ni Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari na tumulong sa negosasyon para sa pagpapalaya sa mga bihag na sina Swiss national Andreas Notter, Italian national Euge nio Vagni at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba na kinidnap ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad noong Enero 15 ng taong ito.
“It’s up to the Area Coordinating Center (ACC) headed by Sulu governor Abdusakur Tan, but I hope Robin rather not, it’s too risky,“ ani Teodoro sa pagsasabing baka magdulot pa ng panibagong krisis kung tutunguhin ni Padilla ang kuta ng mga kidnappers .
Ipinahiwatig pa ng Kalihim na isang potensyal na target si Padilla at lubhang mapanganib kung susuong ito sa kuta ng mga kidnappers tulad na lamang ng minsan na nitong isinugal ang kanyang buhay noong Marso 2000 sa kaso ng mahigit 50 guro at estud yante na binihag ng Abu Sayyaf sa Claret School sa Sumisip, Basilan.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa Zamboanga City ang actor bilang paghahanda para maging negosyador sa agarang pagpapalaya sa mga hostages.
Puspusan umano ang pakikipagpulong ng MNLF kay Robin kung saan maging si Nur Misuari ay nagparamdam na rin ng kagustuhang makipagnegosasyon.
Sa panig naman ni AFP Chief of Staff Gen. Alexander Yano, sinabi nito na kung siya ang tatanungin ay mas mabuting huwag munang makisali ang sinumang indibidwal o grupo tulad ng action star turned Muslim convert na si Padilla sa isyu ng pagpapalaya sa dinukot na ICRC members.
Sa kabila nito, aminado naman si Yano na ipinauubaya na nila ang desisyon sa ACC sa isyu ng pakikisawsaw sa negosasyon ni Robin at kung ipadadala ito sa Sulu.