Robin tutulong sa 3 kinidnap na Red Cross workers
Dumating kahapon sa Zamboanga City ang action star na si Robin “Bad Boy“ Padilla upang tumulong sa negosasyon sa pagpapalaya sa tatlong bihag na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na hawak ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa lalawigan ng Sulu.
Sa phone interview, kinumpirma ni Police Regional Office (PRO) 9 Director Chief Supt. Angel Sunglao na nasa Zamboanga City na si Padilla.
Una rito, inimbitahan ng Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni Nur Misuari si Binoe para tumulong sa negosasyon sa pagpapalaya sa 3 ICRC members na sina Swiss national Andreas Notter, Italian national Eugenio Vagni at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba, na dalawang linggo na ngayong bihag ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad.
Nabatid na si Padilla ay guwardiyado ng mga miyembro ng MNLF sa Zamboanga City na nakatakda ring tumungo sa Jolo, Sulu kung saan makikipagpulong ito sa binuong Crisis Management Committee na pinamumunuan ni Sulu Governor Abdusakur Tan.
Sa isang radio interview, sinabi naman ni Binoe na hindi umano siya nagdalawang-isip at agad na pumayag matapos na hilingin sa kaniya ng MNLF na tumulong sa negosasyon.
Ayon sa aktor, lumapit umano sa kanya ang isang tauhan ni Misuari at hiniling kung pupuwede siyang makatulong sa negosasyon.
Minsan nang isinugal ni Binoe ang kaniyang buhay nang tumulong ito sa ne gosasyon para mapalaya ang mahigit 50 bihag na guro at estudyante na kinidnap ng Abu Sayyaf noong Marso 20, 2000. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending