Isinusulong ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na maging kauna-unahang “Zero-waste City” ang lungsod sa Kalakhang Maynila bago matapos ang taon sa pamamagitan ng sistematikong pamamahala at paghihiwalay ng basura.
Ayon kay Echiverri, matapos nitong ipatupad ang no-smoking ban sa mga pampublikong lugar, isusunod naman ng Caloocan ang lalong pinaigting na solid waste management program at mabisang implementasyon ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2001.
Bukod dito, hinikayat din ng alkalde ang mga residente na ihiwalay ang mga panapon, mag-recycle at ugaliing magsagawa ng maayos na pagtatapon ng basura.
Iniutos din niya ang pagsasagawa ng mga “house-to-house informative educational campaign” para ituro sa mga residente ang pagkakaroon ng isang “garbage-free lifestyle.”
Aniya, kinakailangan nang makahanap ng ibang alternatibo at epektibong pamamaraan ng waste management ang siyudad dahil sa nahaharap na pagsasara ng mga dumpsite at sa patuloy na pagtaas ng singil ng mga naghahakot ng basura.
Ayon naman kay Environmental Sanitation Service (ESS) chief Alfonso Sta. Maria, nauna nang inilahad ng alkalde ang mas pinaigting na pangangalaga sa kapaligiran sa katatapos pa lamang na ikalawang Barangay Garbage Summit para sa 188 barangay ng lungsod. (Lordeth Bonilla)