Drug test sa mga estudyante umpisa na sa Pebrero
Bagama’t mariing tinututulan ng Commission on Human Rights (CHR), sisimulan na umano ng Department of Health (DOH) at ng Department of Education (DepEd) sa susunod na buwan ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga estudyante sa buong bansa, alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Arroyo na siya ring tumatayong anti-drug czar.
Nabatid na masasakop umano ng first installment ng testing ang may 85,000 high school at college students mula sa public at private schools sa Metro Manila, Davao City at Cebu.
Magsisimula aniya ito mula sa Pebrero 2 at magtatagal naman hanggang sa Oktubre.
Matatandaang mariing tinututulan ni CHR Chairperson Leila de Lima ang naturang drug testing at sinabing lumiham na siya sa DepEd na pansamantalang ipatigil ang pagsasagawa nito.
Plano rin umano ni de Lima na idulog sa Korte Suprema ang naturang isyu, kahit pa una nang nagdesisyon noong 2005 ang Supreme Court na konstitusyunal ang drug testing na isinagawa noong taong 2005.
Posible rin naman aniyang sa kabila nang pagtutol ng CHR dito ay tuloy pa rin naman ang pagsasagawa nito dahil mismong ang Pangulong Arroyo na at si Health Secretary Francisco Duque III ang nag-apruba nito.
Dadaan sa dalawang stage ang mga estudyante na isasailalim sa drug testing at ito ay ang initial drug test kung saan eeksaminin ang ihi ng estudyante at ang confirmatory test.
Tinatayang gagastos ang pamahalaan ng mula P25 hanggang P30 sa initial drug test habang P100 naman para sa confirmatory test kung saan bibili ng drug testing kit na gagamitin ng bawat estudyante.
Ang mga magpo-positibo sa illegal na droga sa initial drug test ang isasailalim sa confirmatory test. (Doris Franche)
- Latest
- Trending