Bolante nakapag-withdraw na sa account ng fertilizer fund
Sinamantala ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante ang pagkaka-expired ng freezing order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa kanyang mga bank accounts kaya nagawa niyang makapag-withdraw sa kanyang pera sa bangko.
Mismong si Bolante ang umamin kahapon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon kaugnay sa P728M fertilizer fund scam sa pagwi-withdraw niya sa kanyang bank account.
Pero nang tanungin ni Sen. Panfilo Lacson kung magkano ang na-withdraw niyang salapi, sinabi ni Bolante na “maliit lang” at hindi ito nagbigay ng eksaktong halaga.
Ikinatuwiran naman ni Vicente Aquino, executive director ng AMLC na isang financial intelligence unit ang AMLC at wala na mang nagtanong sa kanila kung kailan ang expiration nang pagkaka-freeze ng account ni Bolante kaya hindi na nila ito ipinaalam sa komite.
Pero idinagdag din ni Aquino na maaaring mapa tawan ng parusa ang bangko dahil pinayagan ang pagwi-withdraw ni Bolante nang hindi ipinapaalam sa AMLC. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending