GMA, Simbahan nagsanib versus kahirapan
Nagsanib-puwersa ang Arroyo administration at Simbahang Katoliko upang labanan ang kahirapan.
Mismong si Pangulong Arroyo at ilang high-ranking officials ng Roman Catholic Church ang nagsagawa ng free medical consultation and medicines sa Don Bosco Parish sa Tondo, Manila.
Aabot sa 70 bata mula sa 17 barangay na nasasakupan ng parokya ang dinala sa Don Bosco compound sa North Harbor para sa feeding program ni Pangulong Arroyo, na dumalo upang pangunahan ang pagbibigay ng arroz caldo sa mga bata.
Ayon sa Pangulo, dadalhin niya ang nasabing programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa tulong ng Simbahang Katoliko, partikular ng Caritas Manila.
Sa tulong ng mga programa nito na nakadirekta sa pagpapaunlad ng ma hihirap, tinukoy ng Caritas ang 70 bata na natagpuan bilang malnourished batay sa kanilang edad, taas at bigat, ayon kay Helen Oreto, Caritas operations OIC.
Nagpamudmod din ang Pangulo ng scholarships sa 70 parokyano — dalawa ang nasa elementarya; 38 sa high school; at 30 sa college.
Para sa medical mission, nagdala ang Office of the President (OP) ng P150,000 halaga ng gamot na ipinamigay sa 1,000 pasyente.
Nagpadala rin ang PNP ng mga doktor at dentista para sa medical mission.
- Latest
- Trending