18 patay sa 'cold front'
Umaabot na sa 18 katao ang naitalang namatay habang siyam pa ang nawawala sa nararanasang cold front sa bansa na nagdulot rin ng flashflood at landslide.
Sa pinakahuling update ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), ang mga biktimang namatay ay mula sa Catanduanes, Capiz, Northern Samar, Misamis Oriental at Agusan del Sur.
Ang tail end ng cold front ay nakaapekto sa Bicol Region, silangang bahagi ng Visayas at Mindanao na nag-umpisa pa mula Enero 3-14 ng taong ito.
Dalawang residente ang nasugatan at 9 pa rin ang nawawala kabilang ang 7 sa Eastern Samar at 2 pa naman sa Misamis Oriental.
Sinabi ni NDCC Executive Director Glenn Rabonza, umaabot na sa 63,600 pamilya o 314,846 katao mula sa 480 barangay sa 51 bayan at 5 lungsod mula sa 13 lalawigan ang apektado ng kalamidad. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending