Hiniling kahapon ng isang non-government group sa Office of the Ombudsman na ilabas ang naging resulta ng tatlong kaso ng katiwalian na isinampa laban kay Sen. Richard Gordon kaugnay sa P387M na ipinampasuweldo sa mga empleyado noong siya pa ang hepe sa Subic Bay Metropolitan Authority.
Ayon kay Crusade For a Better Philippines Chairman Michael Say, dapat umanong ilabas ng Ombudsman ang resulta ng nasabing kaso na isinampa laban kay Gordon noong 2001.
Batay sa rekord, ang tatlong ulit ng graft ay isinampa ni SBMA Internal Audit Services Department Manager Antonio Mendoza matapos na madiskubre na binigyan umano ng sahod ng SBMA ang 330 na umano’y volunteer workers dito na hindi naman inaprubahan ng Commission on Audit.
Ang mga nasabing volunteer ay wala umanong karapatan na mabigyan ng suweldo ngunit nadiskubre na nasa payroll ang mga ito. (Butch Quejada)