Pagbalik sa Bitay okay sa PNP
Kung si Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa Jr. ang tatanungin, pabor siyang maibalik ang parusang kamatayan sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen.
Sinabi ni Verzosa na, noong isa siyang superintendent o regional officer ng Criminal Investigation and Detection Group sa Region IV na nag-imbestiga sa kasong rape -slay laban kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, pabor na pabor na siya sa death penalty.
Ginawa ni Verzosa ang pahayag sa gitna na rin ng mainitang usapin kung dapat bang mapanumbalik ang death penalty laban sa mga mapapatunayang drug traffickers.
Nabatid na uminit na naman ang panawagang muling buhayin ang death penalty kaugnay ng kontrobersyal na kaso ng Alabang boys na nahulihan ng illegal na droga ng Philippine Drug Enforcement Agency noong Setyembre 30 ng nagdaang taon.
Pero tinutulan ito ni Catanduanes Rep. Joseph Santiago na pumunang depektibo ang death penalty law sa bansa kaya hindi dapat pang muli itong pairalin.
Aniya, hangga’t hindi nalilinis ang justice system ng bansa at ang mga miyembro ng law enforcement unit ay mananatili itong walang kredibilidad sa paglilitis at pagsasagawa ng patas na imbestigasyon sa mga suspek na madadakip sa mga kasong may katapat na parusang bitay.
Hindi rin umano batayan ang nasabing in sidente ng suhulan sa pagitan ng pamilya ng Alabang boys at ng mga opisyal umano ng DOJ para ibalik ang death penalty.
Ayon kay Santiago, nakakatakot na muling ibalik ang death penalty dahil kapag ito ay naipatupad na sa isang convicted inmate ay hindi na maibabalik ang buhay nito kapag napatunayan sa huli na wala itong kasalanan. (Joy Cantos at Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending