Pinapayuhan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang publiko na maghanda sa inaasahang maulan na pagsalubong sa Bagong Taon partikular na sa Visayas at Mindanao dahil sa namataang “low pressure area (LPA)” na maaaring mamuo bilang isang bagyo.
Binalaan rin ng Pagasa sa kanilang forecast kahapon ang mga naninirahan sa mga lugar na madalas tamaan ng pagbaha at pagguho ng lupa na maging alerto at maghanda sa paglikas kapag lumubha ang klima.
Huling namataan ang LPA dakong alas-2 kahapon ng madaling araw may 570 kilometro sa Silangan ng Mindanao habang patuloy namang naaapektuhan ng buntot ng ‘cold front’ ang Bicol at Silangang Visayas.
Ayon sa forecast, magdudulot ang LPA ng pag-ulan na may kasamang kulog at kidlat sa Northern Mindanao at Eastern Visayas umpisa ngayon habang makakaranas ng manaka-nakang pag-ulan ang ilang bahagi ng Visayas at Luzon at posibleng lumubha pagpasok ng Enero 2 hanggang 3.
Nagbabala rin ang Pagasa sa mga mangingisda sa pagtaas ng alon sa karagatan at hintayin ang kanilang abiso kung maaaring pumalaot upang maiwasan ang trahedya sa karagatan.
Hinikayat nito ang publiko na tumawag sa naka-duty na forecaster ng Pagasa sa telepono bilang 927-1541 at 926-4258. (Danilo Garcia)