RP handa sa lindol at tsunami
Nakahanda ang Pilipinas sa malakihang kalamidad tulad ng lindol at tsunami dahil sa mga pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan mula noong 2001.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Deputy Presidential Spokesperson Anthony Golez na tagapagsalita rin ng National Disaster Coordinating Council.
Ginawa ni Golez ang pahayag bilang tugon sa report ng Geoscience Australia na nagsasaad na mas nanganganib sa malakihang kalamidad ang Pilipinas, Indonesia at China. Mas marami umano ang mamamatay dito.
Inamin ni Golez na nanganganib talaga ang Pilipinas sa malaking lindol at tsunami dahil nasa Pacific ring of fire ang bansa.
Alin mang bansa na nasa ring of fire ay nanganganib talaga sa naturang mga kalamidad.
Ang mahalaga anya ay kung paano nakakapaghanda sa naturang mga banta ang mga apektadong bansa.
Sinabi ni Golez na, mula pa noong 2001, inatasan na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng NDCC na ihanda ang mamamayan sa mga kalamidad. (Marvin Sy)
- Latest
- Trending