Sinangkalan kahapon ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang diwa ng Ka paskuhan sa pagbawi ng warrant of arrest laban kay Maritess Aytona, ang sinasabing runner ni dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante at ilang araw ding nakulong sa Senado.
Binawi rin ni Gordon maging ang warrant of arrest nina Julie Gregorio at Reden Antolin, presidente at bise presidente ng Feshan Philippines, at Leonicia Marco-Llanera.
Sinabi ni Gordon na tatanggalin niya ang arrest order laban sa mga nabanggit dahil nangako naman ang mga ito na muling sisipot sa hearing ng komite na itinakda sa Enero 20, 2009.
Bago matapos ang hearing, itinanggi nina Llanera at Aytona na kilala nila si Bolante.
Nakatakdang ipatawag sa susunod na hearing ang mga opisyal ng board of directors ng National Organization for Agricultural Enhancement and Productivity Inc., isa sa mga nagpatupad ng fertilizer program.
Hiniling din ni Gordon sa mga opisyal ng Feshan na dalhin sa susunod na hearing ang kanilang libro kaugnay sa fertilizer na binili sa kanila ng gobyerno. (Malou Escudero)