Halos tatlong buwan pa lang siya sa kanyang puwesto bilang hepe ng Philippine National Police, unti-unti nang nakikita ni Police Director General Jesus A. Verzosa ang resulta ng kanyang malawakang programa tungo sa tunay at makabuluhang pagbabago sa hanay ng kapulisan.
Sa pagnanais na pagtibayin ang respeto ng taong-bayan sa bawat kinatawan ng PNP at palakasin ang respeto sa tsapa na kanilang dinadala sa anumang oras, pinasimulan ni Verzosa ang malawakang hamon sa mga tauhan ng PNP na magpursigeng mamuno upang mas mabilis na makamit ang kanyang adhikaing makabuluhang pagbabago para sa kapulisan.
Ang tunay at makabuluhang pagbabago na isinusulong ni Verzosa ay pinasimulan niya sa pamamagitan ng siyam na mga programa na tugma lahat sa kanyang hamon sa kapulisan.
Kabilang dito ang patuloy na pagbabago mula sa pambansang liderato hanggang lokal na antas ng PNP; ang pagbibigay-daan sa patuloy na pagsibol ng mga makabagong mga pinuno sa hanay ng kapulisan; promosyon sa simbolo ng tsapa ng PNP; pagtugon sa mga serbisyong kinakailangan ng mga pulis at ng kanilang mga pamilya; mahusay na pangangalaga sa mga tauhan ng kapulisan; pagpapalakas ng serbisyo ng kapulisan sa larangan ng pagbabantay at imbestigasyon; pagbibigay-daan sa partisipasyon ng publiko sa trabaho ng kapulisan; pagbibigay-galang sa karapatang pantao; at ang pakikipag-tulungan sa mga grupong may mabubuting hangarin. (Butch Quejada)