Binuweltahan kahapon ni Buhay Partylist Representative Carissa Coscolluela ang kontrobersiyal na urban planner na si Felino Palafox sa akusasyon ng huli na naglunsad ang una ng “black propaganda campaign” upang sirain ang kanyang kredibilidad.
“He started this. Sino ba ang unang lumabas sa media at nagsalita tungkol sa isyu ng extortion sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA)?,” wika ni Coscolluela.
“I don’t know him personally, so I don’t have a reason to launch a massive black propaganda campaign against him. In fact, I admire his reputation as accomplished person in his field of expertise,” wika ng mambabatas.
Ngunit sinabi ni Coscolluela na wala sa lugar si Palafox nang magsimula itong magbitiw ng walang batayang akusasyon ng pangingikil laban sa isang SBMA official, na hanggang ngayon ay hindi pa nito pinapangalanan.
Noong una, sinabi ni Coscolluela na nagsalita si Palafox sa media na isang anak ni SBMA Administrator Armand Arreza, na noon ay apat na taong gulang pa lang, ang humingi ng 18-percent commission kapalit ng pag-apruba sa kanyang bid sa isang proyekto sa freeport zone.
“Paano mangyayari iyon, sampung taon lang ang anak ni Administrator Arreza at kung nangyari ito last year, ibig sabihin siyam na taon lang ito noon,” giit ng mambabatas.
Pagkatapos, itinuro ni Palafox ang isang Boy Coscolluela na siyang nangikil sa kanya. “Isa lang ang Coscolluela sa SBMA Board at ito ang ama ko but his name is not even Boy,” wika ni Coscolluela.
Binawi naman ni Palafox ang akusasyon at inabsuwelto ang ama ng mambabatas. (Butch Quejada)