Liderato ng PNP pinagtibay ni Verzosa
Mag-iisang daang araw pa lang sa puwesto si Philippine National Police Director General Jesus A. Verzosa pero napalakas na niya ang liderato at institusyon ng PNP.
Pinangunahan ni Verzosa ang mga inisyatibo upang ibalik ang tunay na simbolo ng tsapa o badge of honor ng PNP bilang instrumento ng kapangyarihan ng isang pulis, ayon sa batas at ng kanyang katapatan at karangalan sa paglilingkod at pangangalaga sa publiko.
Bilang patunay, walang sinayang na oras si Verzosa sa kanyang pagtuntong sa puwesto nang pasimulan niya ang leadership at organizational development training para sa lahat ng mga commanders at pinuno ng bawat opisina sa kabuuang puwersa ng PNP sa buong bansa.
Malaki ang paniniwala niya na sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagpapalawak ng liderato at pagpapasa ng responsibilidad sa hanay ng mga marurunong na commanders at iba pang mga opisyales, mapapalakas ng institusyon ang kapasidad at kakayahan ng PNP na maglingkod sa mga tao at mga komunidad.
Ilan ngang kilalang human rights advocates ang nagbigay-pugay sa kanya dahil sa pagbibigay niya ng makataong anyo sa institusyon. Pinatigil niya ang paghaharap ng mga suspek sa media at publiko o ang tinatawag na firing squad presentation. Ipinagbawal din niya ang pagsasa-ere o paglalathala ng mga video o litrato na naglalarawan ng anumang uri ng karahasan laban sa mga suspek na nasa kustodya ng kapulisan.
Nakatakdang maabot ni Gen. Verzosa ang kanyang ika-100 araw sa puwesto sa Enero 4, 2009 ngunit ngayon pa lang ay nakikita na ang resulta ng kanyang mga programa. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending