Umaabot sa P200 milyon ang nalulugi sa Philippine Postal Corp. (Philpost) taun-taon dahil sa umano’y pag-abuso ng mga opisyal ng Malacañang at maging ng mga mambabatas sa “franking privileges” o libreng pagpapadala ng sulat.
Sa Senate Resolution 799 na inihain ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, dapat agad maimbestigahan ng Senado ang nasabing isyu upang maiwasan ang pagka-bankrupt ng Philpost lalo pa’t nababawasan na ang nagpapadala ng sulat dahil sa pagsusulputan ng cellular phones kung saan nagiging mabilis na ang komunikasyon.
“Whereas while speaking at the 110th anniversary of the Philippine Postal Corporation (Philpost), Postmasker Generak Hector Villanueva allegedly called on lawmakers and officials of the executive department to stop using the mail without paying postage to prevent the Post Office from going bankrupt,” ani Santiago sa kanyang resolusyon.
Sinabi pa umano ni Villanueva na dapat magbayad ng kanilang postage, handling at delivery ang mga opisyal ng gobyerno dahil ang Philpost ay isang government-owned and controlled corporation at isang income-generating agency na umaasa lamang sa kaniang income para magpatuloy ang operasyon.
Dahil umano sa tinatawag na ‘franking privileges”, umaabot sa P150M hanggang P200M ang nawawala sa Philpost.
Sa resolusyon ni Santiago, dapat lamang i-waive na ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang pribilehiyo na libreng makapagpadala ng mga sulat at isama na lamang sa kanilang budget ang postage at handling costs.
Samantala, sinabi naman ni Assistant Postmaster General for Administration Luis Carlos na hindi sakop ng franking privileges ang pagpapadala ng mga materials para sa ‘pulitika’ o ‘pangangampanya’ at ito ang unang pagkakataon na isiniwalat ito ng Postmaster General.