Full automation sa 2010 malabo
Malaki ang posibilidad na walang maganap na “full automation” sa 2010 kung hindi pa rin maaprubahan ng Kongreso ang hinihinging budget ng Commission on Elections (Comelec) hanggang sa buwan ng Pebrero at Marso.
Ito ang inihayag kahapon ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento, kasabay nang pagsasabing marami pa silang kinakailangang asikasuhin para sa pag-computerize ng halalan at kakapusin na sila sa panahon para sa paghahanda kung Pebrero o Marso na maaaprubahan ang budget para rito.
Ayon kay Sarmiento, kabilang sa mga prosesong ito ay ang gagawing bidding, awarding ng nanalong bidder, ballot designing, mock elections at pagtuturo sa publiko sa paraan nang paggamit ng Optical Mark Reader (OMR), na sistemang gagamitin para sa 2010 elections.
Sa ngayon ay umabot na aniya sa 18 ang bilang ng mga kumpanya na nagsabing sasali sila sa gagawing bidding para rito kabilang na ang Avante International na nagprovide ng OMR system na ginamit sa nakalipas na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) elections kamakailan.
Sinabi pa ng Comelec Commissioner na aabot lamang sa P13.9 bilyon ang hiningi nilang pondo para rito matapos na hilingin ng Senado na tapyasan ang una na nilang hinihinging P21 bilyon na budget.
- Latest
- Trending