Paglilipat ng lupa ni FG sa mga magsasaka sa Negros Occidental hinaharang
Mariing binatikos kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Q. Pimentel, Jr. ang isang opisyal ng Land Registration Authority (LRA) dahil sa ginagawa nitong pagharang upang mailipat ang 98-ektaryang sugar plantation na pag-aari ng pamilya ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa mga lehitimong agrarian reform beneficiaries base na rin sa pinal na kautusan ng Department of Agrarian Reform.
Inakusahan ni Pimentel si Negros Occidental Register of Deeds Rodolfo Gonzaga nang hindi pagtupad sa kanyang tungkulin at pagtanggi na pirmahan ang paglilipat ng Hacienda Bacan sa Isabela, Negros Occidental mula sa Rivulet Agro-Industrial Corporation, na pag-aari ng mga Arroyos sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang masimulan na ang pamamahagi ng lupa sa may 68 qualified farmer-beneficiaries.
Pumayag na umano si First Gentleman Arroyo na ma-covered ng CARP sa pamamagitan ng voluntary offer to sell (VOS) noong 2001. Pero ngayong taon lamang nakumpleto lahat ng requirements sa Land Bank kung saan nakapag-deposito na ng P42.3M bilang kabayaran matapos aprubahan ni DAR Secretary Nasser Pangandaman ang paghahati ng lupa sa mga benepisyaryo.
Dahil sa hindi pag-aksiyon ni Gonzaga, napilitan ang mga magsasaka na magtungo pa sa Metro Manila at magsagawa ng isang hunger strike sa harap ng LRA building sa Quezon City.
Ayon kay Pimentel, may katungkulan ang gobyerno na bigyan ng proteksiyon ang mga magsasaka lalo pa’t dito lamang nila iniaasa ang kanilang kabuhayan. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending