Panukala ni Miriam pinuri ng Napolcom officials

Masayang tinanggap ng mga matataas na opisyal ng National Police Commission (Napolcom) ang panukalang batas na magbibigay sa ahensiya ng mas malaking control sa Philippine National Police (PNP) at mag-aarmas sa kanila ng mas matalas na ngipin upang disipli­nahin ang mga tiwaling pulis.

Sinabi ni Napolcom vice-chairman at executive officer Eduardo Escueta na kung maisasabatas ang panukala ni Sen. Miriam De­fensor Santiago, malaki ang maitutulong nito sa kampanya ng Komisyon upang madisiplina at gawing mas epektibo ang PNP.

Isang abogado, si Escueta ay nagmula sa Quezon province.

“Sen. Santiago’s bill is a great help in the performance of our mandate to improve police discipline and integrity,” wika ni Es­cueta, na itinalaga sa Na­polcom noon lang Agosto.

Bago naupo sa Napol­com, si Escueta ay dating administrator ng Philippine Coconut Authority mula 1998 hanggang 2001.

Inihain ni Santiago ang Senate Bill No. 2269 upang mabigyan ang Na­polcom ng kumpletong control sa public safety operations ng PNP.

Sa tulong ng nasabing panukala, bibigyan din ang Napolcom ng direk­tang boses ukol sa isyu ng PNP budget, standards of appointment, performance at aktibidad ng police personnel.

Sa kanyang panukala, sinabi ni Santiago na dapat mabigyan ng mas matalim na ngipin ang ahensiya para sa Kontrol ng PNP.

Sa ngayon, sinabi ni Escueta na hawak lang ng Napolcom ay administrative at supervisory functions sa PNP.

Nang ipasa ang Republic Act No. 8551 noong 1998, naisama sa trabaho ng Napolcom ang pagpa­patakbo ng police entrance examination, pagsasa­gawa ng pre-charge investigation ng mga anomalya at pagpapatalsik sa pu­westo ng tiwaling pulis.

Show comments