Hindi umano maaring basta na lamang tanggalin ang isang casual employee ng dahil lamang sa mga haka-haka o espekulasyon ng mga empleyado ng siniserbisyuhan nito.
Itoy makaraang ibasura ng Supreme Court (SC) en banc ang naging rekomendasyon ng SC Office Administrative Services na layon na sibakin na lamang sa kanyang pwesto si Gerry Moral bilang casual driver ng SC Bus.
Base sa argumento ng SC Office of the Administrative, ito ay dahil sa umano’y maaring mawalan na ng kumpiyansa sa kanya ang magiging pasahero nito dahil sa nauna na nitong kinasasangkutang aksidente.
Subalit sinabi ng Korte Suprema, na hindi maaring basta na lamang sibakin ang isang casual employee dahil sa itoy protektado rin ng batas at bukod pa sa malalabag din ang karapatan nito sa due process.
Ito ay dahil sa hindi pa naman napatunayan na dahil sa kapabayaan nito kung kayat naganap ang naturang aksidente.
Una ng inirekumenda ng OAS na sibakin na lamang si Moral dahil sa umanoy kinasangkutan nitong insidente noong July 7 2008 na ikinamatay ng isang pasahero ng Jeepney na binangga ng dala nitong SC Bus.
Lumalabas naman sa imbestigasyon na nawalan ng preno ang naturang bus ng ito’y pababa na ng flyover ng Mandaluyong City kaya naganap ang nasabing insidente. (Gemma Amargo-Garcia)