Hinamon kahapon ng Philippine Army ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na magpakita ng hubad na video ni 1st Lt. Vicente Cammayo na binihag nila sa Compostela Valley noong Nobyembre.
“We challenge the CPP/NPA to show Lt Cammayo in video with his clothes off so that the public will really know if he is really taken cared of,” mariing hamon ni Major Gen. Jogy Leo Fojas, Commander ng Army’s 10th Infantry Division (ID).
Sinabi ni Fojas, base sa paga-analisa ng military expert sa unang video clip na ipinalabas ng Merardo Arce Command, abductors ni Cammayo, ay hindi normal ang kondisyon ng kanang kamay nito.
Kamakailan ay nagpalabas ng video footage ni Cammayo ang NPA movement sa Compostela Valley kung saan balbas sarado ito, nakasuot ng camouflage uniform, bakas sa mukha ang takot habang nakaupo sa duyan at pinapalibutan ng mga armadong rebelde na bantay nito.
Sa nasabing video footage ay hiniling ni Cammayo na ipagdasal ang maaga niyang paglaya.
“Based on our analysis of the video, the appearance of his right hand is not normal. The said officer is wounded and needs proper medical attention. This is again a part of the CPP/NPA ploy to deceive the public in order to gain their sympathy,” giit pa ni Fojas.
Ayon naman kay Lt. Col. Joselito Bautista, spokesman ng Army’s 10th ID, nangangamba silang likidahin ng NPA rebels si Cammayo habang duda rin ang militar sa pahayag ng komunistang grupo na trinatrato ito ng maayos.
Iginiit ni Bautista, ito’y sa dahilang nauna nang itinanggi ng NPA na hawak nila si Cammayo.
Si Cammayo ay binihag ng NPA matapos itong makorner sa engkuwentro sa Brgy. Casoon, Monkayo, Compostela Valley nitong nakalipas na Nobyembre 7. (Joy Cantos)