Nakahanda si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na sumama sa rally na ikakasa sa Disyembre 12 upang labanan ang Charter Change na niluluto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Aquino, sa sandaling matapos ang budget deliberation sa Senado, malaki ang posibilidad na sumama siya sa gagawing rally ng iba’t ibang sector ng lipunan na tumututol sa term extension ni Pangulong Gloria Arroyo.
Bagaman at gusto ring sumama ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. sa gagawing inter-faith rally, sinabi nito na mahina na siyang maglakad at baka makaabala lamang sa gagawing rally.
Ayon kay Pimentel, lalabanan na lamang niya sa loob ng plenaryo ng Senado ang ekstensiyon ng termino ng Pangulo.
Ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang mangunguna sa inter-faith rally kung saan sasama ang kaalyadong civil society at religious groups.
Posibleng gawin umano ang nasabing rally sa balwarte ni Makati City Mayor Jejomar Binay.
Magpapadala rin umano ng malaking contingent ang Bangon Pilipinas ni Bro. Eddie Villanueva at United Opposition (UNO) maging ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines, Youth Act Now, Promotion of Church People’s Response, Concerned Citizens Movement, EDSA-3 Coalition, Sanlakas at Coalition for National Transformation. (Malou Escudero)