Madaling maabot at “realistic” ang target na 100,000 bagong trabaho ng Bureau of Immigration (BI) mula sa paglalabas nila ng indefinite visa sa mga dayuhang negosyante na kukuha ng sampu o higit pang empleyadong Pilipino, ayon sa mga lider ng ilang foreign business chambers sa bansa.
“The target of 100,000 new jobs is realistic if you have very easy access by foreigners to the market. The immigration, justice and trade departments of the government are now going in the right direction,” wika ni Petteri Makitalo, ng Finland Chamber of Commerce in the Philippines (FCCP).
Sinabi pa ni Makitalo na dahil sa nakaambang pagbagal ng ekonomiya bunga ng krisis pampinansiyal na nararanasan ng mundo, hindi na dapat pang magkaroon ng maraming hadlang sa proseso sa burukrasiya.
Ayon kay Makitalo, maraming economic opportunities sa Pilipinas dahil ang iba pang chamber sa Israel, Finland at India ay nakatuon sa pagpasok ng dayuhang kapital at gamitin itong bahagi ng paglago ng bansa.
Idinagdag naman ni Emanuel Fryzer, pangulo ng Philippine-Israel Business Association, na napapanahon ang paglabas ng special visa for employment generation (SVEG), lalo pa’t inaasahan na masama ang magiging pasok ng 2009 dahil sa problemang pang-ekonomiya na nararanasan ng mundo. (Butch Quejada)