GMA 'kinilig' sa tawag ni Obama
Kinumpirma kahapon ng Malacañang na tinawagan ni US President-Elect Barack Obama si Pangulong Arroyo at tiniyak ang patuloy na magandang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa,
Sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza na nakipag-usap si Obama kay Arroyo sa telepono bandang alas-3:17 ng madaling araw, bilang tugon sa dalawang congratulatory phone messages na ipinadala ng huli.
Ngunit hindi nasabi ni Dureza kung gaano kahaba ang nangyaring pag-uusap sa pagitan ng dalawang lider.
Ginawa ni Obama ang pagtawag kasunod ng dalawang ulit na pagbati ni Arroyo kasunod ng kanyang panalo. Maliban kay Arroyo, sinabi ni Dureza na tinawagan din ni Obama ang mga lider ng Georgia at Turkey.
Samantala, ikinainis kahapon ni Pangulong Arroyo ang ginawang “pagbibiro” ni Dureza na nanguna sa pagdarasal. Napakunot ng noo si Mrs. Arroyo sabay ng pagsasabi ng “Oh My God” matapos madinig ang opening prayer ni Dureza sa Cabinet meeting na “bless the President so we will have forbearance, good health, the tolerance to lead this nation up to 2010 and perhaps who knows even beyond”. Sinabi naman ng Pangulo na “that prayer was off the record.” (Rudy Andal)
- Latest
- Trending