Amyenda sa coop code giit
Umapela ang samahan ng mga electric cooperatives sa mga mambabatas na ipasa na ang panuka lang pag-amyenda sa Republic Act 6938 o Philippine Cooperative Code.
Ayon kay Ponciano Payuyo, chairperson ng Federation of Electric Cooperatives (PHILFECO) sa pagharap sa pagdinig ng Senate committee on cooperatives na pinamumunuan ni Sen. Miguel Zubiri, sinabi nito na layunin ng pag-amyenda na maprotektahan at maitaguyod ang interes at kapakanan ng lahat ng miyembro ng kooperatiba lalo na ang mga nasa liblib na lugar.
Sa kasalukuyan, mayroon pang mahigit 100 electric cooperatives ang rehistrado sa National Electrification Administration sa halip na sa Cooperative Development Authority (CDA)
Sa ilalim ng CDA, hindi pinapatawan ng buwis ang mga miyembro kaya’t mas mababa ang singil sa kuryente.
Paliwanag pa ni Payuyo, ang pag-amyenda sa Philippine Cooperative Code ay gagarantiya ng pagkakaroon nila ng ownership na ang resulta, bukod sa mababang singil sa konsumo ng kuryente, makapagbibigay pa sila ng refund, dibidendo at interes sa share capital at kita na ibinibigay sa mga miyembro tuwing huling buwan ng taon. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending