Magro-rollback na rin sa presyo ng tinapay sa susunod na linggo matapos magkaisa ang iba’t ibang samahan ng mga bakery owners na magbawas na rin ng presyo sa kanilang mga paninda.
Sinabi ni Simplicio Umali, Jr., pangulo ng Philippine Baking Industry Group, simula sa susunod na linggo ay magbabawas na sila ng P.50 sentimos sa kada-balot ng loaf bread o tasty, habang daragdagan naman nila ang timbang ng bawat isang pirasong pandesal.
Ayon pa kay Umali, sa halip na magbawas sila ng P.25 sentimos sa bawat isang pandesal, ipinasiya nilang lakihan at dagdagan na lamang ang timbang nito dahil nakakalito pa kung alanganin ang halagang ibabawas nila sa bawat isang pandesal.
Habang sinabi naman ni Chito Chavez ng Philippine Federation of Bakers Association na ang pagtatapyas nila sa presyo ng kanilang produkto ay bunsod ng pagbaba sa halaga ng harina sa P940 kada-sako mula sa P957 at ang patuloy na rin na pagbaba ng bawat-tangke ng LPG.
Aminado rin si Umali na hindi sila kuntento sa P17 ibinawas ng mga flour millers sa halaga ng bawat-sako ng harina dahil bagsak na aniya ang presyo nito sa mga bansang pinagkukuhanan nila bagama’t mas mabuti na rin aniya ang nangyaring pagbabawas kesa sa wala. (Rose Tamayo-Tesoro)