Nagbabantang muling bumalik sa teritoryo ng Pilipinas ang bagyong Quinta matapos mamataan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na paligid-ligid pa rin sa Northern Luzon kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan sa ilang panig ng Metro Manila kahapon.
Sinabi ni Pagasa administrator Nathaniel Cruz na maaaring umikot pabalik sa Pilipinas ang bagyong Quinta dahil sa hindi pa rin ito umuusad sa ibang bansa. Inaasahan nila ngayong araw na tuluyang lalayo na ito sa bansa o kaya naman ay babalik na magiging sanhi ng pag-ulan sa Luzon.
Sinabi rin ni Cruz na bumalik mula sa pagiging “tropical depression” sa isang “low pressure area” ang bagyong Rolly ngunit humahatak pa rin ito ng ulan.
Nagbabala naman si Cruz na magdudulot ng biglaang pagbaha ang nararanasang pag-ulan dahil sa dami ng tubig na dala nito.
Nagkatotoo naman ang sinabi ni Cruz matapos ang napakaraming pagbaha sa mga kalsada ng Quezon City kahapon kung saan umabot ng hanggang bewang sa may Regalado, Commonwealth Avenue sa Brgy. North Fairview. Libo-libong mga pasahero rin ang na-stranded dahil sa pagbabaha sa may Katipunan, Anonas, Sikatuna Avenue, V. Luna Ave., ilang parte ng East Ave. at Commonwealth Ave. (Danilo Garcia)