Pinagbabayad ng Korte Suprema ang Mercury drug store at ang isang pharmacist nito matapos na magkamali ng pagbibigay ng gamot sa isang Hukom.
Sa 17-pahinang desisyon sa panulat ni Justice Ruben Reyes, kinatigan nito ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) na pumapabor sa kasong inihain ni Raul de Leon, na noon ay presiding Judge ng Paranaque City Regional Trial Court (RTC) branch 258.
Napatunayan ng Korte na nagkamali ang Mercury drug, Better Living, Paranaque branch at ang kanilang pharmacist na si Aurmela Ganzon sa pagbibigay ng maling gamot kung saan ang binibili ni de Leon ay eye drop subalit ang ibinigay dito ay ear drop.
Sa reklamo ni de Leon sa halip na gumaling umano ang kanyang mata ay lalo itong lumala kaya nang basahin nito ang label ng gamot ay dito niya nadiskubre na ear drop pala ang naibigay sa kanya sa halip na eye drop.
Subalit sa halip na humingi ng dispensa si Ganzon at ang Mercury drug store ay sinisi pa nito si de Leon dahil sa hindi agad nito binasa ang label na gamot na binili.
Naghain ng kaso si de Leon sa Paranaque RTC at pinaboran ang petition nito kayat inatasan nito ang Mercury drug na bayaran ng moral and exemplary damages ang Hukom ng halagang mula P100,000 hanggang P50,000 at mula P30,000 hanggang P25,000.
Nilinaw ng Mataas na Hukuman na responsibilidad ng drugstore at pharmacist ang pagbebenta ng gamot na hindi magdudulot ng injury o maaring kamatayan sa kanilang mga customer. (Gemma Amargo-Garcia)