P5 rollback sa diesel
Nagsapawan ang mga major at independent oil players sa ginawang nilang “big time” rollback sa presyo ng kani-kanilang produktong petrolyo na sinimulan kahapon ng madaling araw.
Unang nagpahayag na magbaba ng P5 kada litro sa diesel at P2 sa gasolina ang Pilipinas Shell na sinimulan dakong 12:01 ng madaling-araw kahapon.
Agad itong sinundan dakong alas-7 ng umaga ng Petron at Chevron sa kaparehas ding halaga na sinundan naman ng PTT Gasoline at Eastern Petroleum.
Subalit ang ginawang rollback ng mga nasabing kompanya ng langis ay tinalbugan ng independent oil player na Unioil na nagpahayag ng P6 kada litrong rollback sa kanilang tindang diesel at P2.50 naman kada litro sa kanilang gasolina.
Ayon kay Unioil General Manager Chito Medina – Cue, epektibo ito alas-2 ng hapon kahapon sa lahat ng kanilang refilling station.
Paliwanag ng mga kompanya ng langis, na ang panibagong rollback ay bunsod sa patuloy na pagbaba ng presyo ng krudo sa world market na base sa kanila ay umaabot na lang sa $60 kada bariles mula sa pinakamataas na presyo noong Hulyo na umabot sa $147 kada bariles.
Inaasahang susunod din ang ibang kompanya ng langis sa ginawang panibagong rollback.
Unang nagbawas ng P4 kada litro ang Sea Oil sa kanilang diesel at P2 naman para sa gasoline at kerosene.
M’cañang nagpasalamat
Nagpasalamat naman ang Malacañang sa mga oil companies kabilang ang big 3 sa pagdinig nito sa panawagan ni Pangulong Arroyo na ibaba ang presyo ng kanilang mga produktong petrolyo sanhi na rin ng pagbagsak ng presyo ng krudo sa world market.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, umaasa pa rin ang Palasyo na may mga susunod pang rollback sa darating na weekend.
Big time rollback din sa LPG
Matapos magpatupad ng bawas-presyo ang mga oil companies, inihayag naman ng Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) na magpapatupad din sila ng “big-time rollback” sa kanilang produkto ngayong weekend.
Ayon kay LPGMA president Arnel Ty, ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng halaga ng langis sa world market.
Kabilang sa mga brand na ibinibenta ng LPGMA ay ang Pinnacle Gas, Cat Gas, Omni Gas, Nation Gas at Island Gas.
Bawas pasahe aprub na
Aprub na sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang 50 sentimos provisional na pagbaba sa pasahe sa mga pampasaherong jeep at P1.00 naman sa bus bunsod na rin ng ibinabang P5 sa presyo ng produktong petrolyo kada litro kahapon.
Sinabi ni LTFRB Chairman Thompson Lantion na malalaman sa Nobyembre 4 kung kailan pormal na ipatutupad ang bawas pasahe sa mga pampasaherong sasakyan.
Ang provisional fare rollback ay nangangahulugan na wala nang magaganap na public hearing dahil agad-agad na lamang itong ipatutupad ng LTFRB.
Sa ngayon, umaabot na lamang sa P39 ang kada litro ng diesel at P41 sa gasolina.
- Latest
- Trending