Nabuhayan nang pag-asa ang pamilya ng Pinay na hinatulang ma-firing squad sa Taiwan matapos payagan ng Taiwanese court na repasuhin ang hatol para sa posibleng pag-apela dito.
Ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) managing director at Resident representative Antonio Basilio, kamakalawa ay nagsagawa ng pagdinig sa kaso ang appellate court kaugnay sa lower court verdict sa Pinay na si Cecilia Alcaraz, alyas Nemencia Armia.
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Claro Cristobal na binigyan ng panahon ng appellate judge ang legal counsel ng Pinay na pag-aralan ang desisyon ng mababang hukuman sa kaso ng kanyang kliyente at iapela ito.
Wala naman umanong itinakdang petsa para sa susunod na pagdinig sa kaso.
Maliban sa mga opisyal ng MECO, nabatid na dumalo din sa hearing sa kaso ni Armia ang kanyang kapatid na lalaki, na tinulungan ng pamahalaan na makarating sa naturang bansa upang mabigyan ng suporta ang kapatid.
Naniniwala naman ang pamilya ng akusado na na-frame-up lamang ito at inosente sa kaso. (Mer Layson)