Isinailalim na sa imbestigasyon ang Budget Officer ng PNP Comptroller kaugnay ng pag-iisyu umano ng kinukuwestiyong 105,000 Euros o katumbas na P6.93 M na nahuli sa dating hepe ng tanggapan na si ret. Director Eliseo de la Paz sa Russia.
Ayon kay PNP Chief Director Gen.l Jesus Verzosa, pinaiimbestigahan na niya si Sr. Supt. Thomas Rentoy sa tanggapan ng PNP Directorate for Investigative and Detective na pinamumunuan ni Director Raul Bacalzo.
Si Rentoy ang sinasabing nag-awtorisa umano ng nasabing cash advance ng 8 man team ng PNP delegation sa International Police (Interpol) Conference sa Russia na ginanap noong Oktubre 6- 10 kung saan ang nasabing pera ay dala mismo ni de la Paz.
Alinsunod naman sa isinasagawang imbestigasyon na inaasahang ilalabas sa darating na Lunes ay grounded muna o hindi puwedeng humawak ng pera at anumang papeles sa PNP Comptrollership si Rentoy.
Sa kasalukuyan ayon pa kay Verzosa ay hinihintay pa ng PNP na mai-transmit ng Russian government ang 105,000 Euros sa account ng pambansang pulisya. (Joy Cantos)