Nalambat ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipino-American fugitive na wanted sa United States dahil sa tinatawag na “conspiracy crimes”.
Bitbit ang mission order na inilabas ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan, naaresto ng BI agents si Rommel Isidera Schroer sa kanyang pinagtatrabahuan sa Pasay Road, Makati City noong Biyernes.
Sinabi ni Libanan na si Schroer ay wanted batay sa arrest warrant na inilabas ng US district court sa Arizona kung saan siya ay kinasuhan ng “conspiracy to commit bribery and extortion”, isang paglabag na may parusang limang taong pagkakabilanggo at multang US$250,000.
Ayon pa kay Libanan, si Schroer ay nasa wanted list ng US authorities mula pa noong Oct. 18, 2006 nang ilabas ng Arizona court ang arrest warrant laban dito.
Iniutos ni Libanan ang pagdampot kay Schroer batay na rin sa kahilingan ng US Embassy, na siyang nagpaabot sa BI na nagtatago sa Pilipinas ang pugante.
Sa ulat ng US Embassy, si Schroer ay dating US Air Force sergeant na nakipagsabwatan sa ilang military, public officials at civilians upang mangotong mula sa drug traffickers.
Ngunit ang mga drug trafficker na kinikilan ni Schroer ay mga undercover agents pala ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
“The fugitive will be deported for being an undocumented and overstaying alien as his passport was already revoked by the US government,” wika ni Libanan. (Gemma Amargo-Garcia/Ellen Fernando/Butch Quejada)