Sa botong 8-7, idineklarang unconstitutional ng High Court ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na sana’y lalagdaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Agosto at magpapalawak sana ng teritoryo ng MILF.
Nakasaad sa 89 pahinang desisyon ng Supreme Court (SC) na hindi maaaring lumagda sa kasunduan ang pamahalaan sa grupo ng MILF dahil lalabagin nito ang probisyon ng Saligang Batas kaugnay sa national territory at interes ng publiko.
Bukod dito nakasaad pa sa desisyon na walang naganap na konsultasyon sa mga apektadong komunidad na sasakupin ng Bangsamoro Juridical Entity (BJE).
Wala ni isa sa 11 mahistrado ang sumuporta sa MOA kung saan 8 ang direktang nagsabi na labag ito sa batas habang 7 naman ang nagsabi na wala na itong saysay o moot and academic na dahil sinabi na naman ng gobyerno na hindi na nila ito lalagdaan sa anumang pagkakataon.
Matatandaan na kabilang sa mga naghain ng petisyon kontra MOA-AD ay sina North Cotabato Governor Jesus Sacdalan at Vice-Governor Emma nuel Pinol, Zamboanga City Mayor Celso Lobregat, Representatives Isabelle Climaco at Erico Basilio Fabian, dating Senate President at Liberal Party National Chairman Franklin Drilon at United Opposition (UNO) Spokesperson Adel Tamano at panghuli si Sen. Manuel Roxas.
Iginiit ng mga ito na ang MOA-AD ay katumbas ng pagbuo ng isang hiwalay na estado kung saan ilang lugar sa Mindanao ang mapapabilang sa Bangsamoro Juridical Entity (BJE) kung saan magkakaroon sila ng sariling estado.
Samantala, sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza na hahayaan nilang magdesisyon ang kanilang legal team sa susunod na hakbang na gagawin kasunod ng pagbasura ng Supreme Court sa MOA-AD.
Iginiit naman ni Sen. Mar Roxas na sibakin ni Pangulong Arroyo ang mga opisyal ng gobyerno na nagsulong ng MOA. (Gemma Amargo-Garcia/Rudy Andal/Malou Escudero)