Customs bibigyan ng P100 budget
Sa gitna nang napipintong imbestigasyon ng Senado sa Bureau of Customs (BoC) dahil sa pagpasok sa bansa ng mga gatas mula sa China na kontaminado ng melamine, inirekomenda ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pagbibigay sa ahensiya ng P100 na budget.
Ayon kay Santiago, kung P100 lamang ang taunang badyet ng BoC ay posibleng tuluyan nang mabuwag ang ahensiya dahil wala silang perang magagamit sa kanilang operasyon.Tama lamang aniyang mabuwag na ang ahensiya kung hindi rin lamang nito kayang gampanan ang trabaho na mapigil ang pagpasok sa bansa ng mga produktong nakalalason.
Dahil nakapasok aniya sa bansa ang mga gatas na kontaminado ng melamine, nalagay din sa panganib ang buhay lalo na ng mga sanggol na nakainom nito.
Kabilang sa mga nais mabuwag ni Santiago ang mga tanggapan ng Deputy Commissioner for Enforcement, chief of the Intelligence and Investigation Services at chief of the National Customs Police na mga wala umanong nagawa kaya dapat nang tanggalin.
Kalimitan na aniyang binibigyan lamang ng Kongreso na P1budget ang ahensya na pamahalaan na nais ng mabuwag pero sa pagbaba na rin ng halaga ng piso ay gagawin niya itong P100. Matatandaan na hiniling ni Santiago sa kanyang Senate Resolution 694 na tukuyin at parusahan ang mga tauhan ng BoC na may kinalaman sa pagpasok ng produktong may melamine sa bansa
Ibinase ni Santiago ang kanyang resolusyon sa pahayag ng Department of Health (DoH) na siguradong ipinuslit lamang ang mga gatas na kontaminado ng melamine dahil walang tatak na English sa mga kargamento nito. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending