Iimbestigahan ng Senado ang mga opisyal ng Bureau of Customs na responsable sa pagkakapuslit sa bansa ng mga gatas mula sa China na kontaminado ng nakakalasong melamine.
Sa Senate Resolution 694 na inihain ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, sinabi niya na mismong ang Department of Health ang nagsabing posibleng ipinuslit lamang sa bansa ang mga Chinese products na Greenfood Yili Fresh Milk at Mengniu Original Drink Milk na natuklasang may melamine dahil wala silang English labels.
Base rin sa Bureau of Foods and Drugs, wala silang record ng infant formula na nagmumula sa China.
Ang Senate Blue Ribbon Committee ang nakatakdang magsiyasat kung sino ang mga responsable sa pagkakapuslit sa bansa ng mga gatas na may melamine.
Samantala, kasunod ng ginawa sa mga gatas, susuriin na rin ng BFAD ang mga beauty products na galing China para matukoy kung kontaminado rin ang mga ito ng nakakalasong “melamine”.
Sinabi ni BFAD Director Leticia Guttierez na nagpapatuloy ang kanilang market monitoring at sampling sa mga cosmetics kasunod ng panawagan kamakailan ng mga kongresistang sina Luis Villafuerte, Ferdinand Martin Romualdez at Aurelio Gonzales na alamin ang peligro sa kalusugan ng mga produktong pam paganda mula sa China na maaaring magresulta ng komplikasyon at cancer. (Malou Escudero at Rose Tamayo-Tesoro)