Isinalang na ngayong araw ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) sa ‘melamine testing’ ang mga nakulekta nilang iba’t ibang brand ng gatas at iba pang mga produktong pinaniniwalaang may sangkap ng gatas na nagmula sa China.
Ayon kay BFAD Dir. Leticia Gutierrez, ipinapangako ng ahensiya sa publiko na agad nilang ilalabas ang anumang resulta na inaasahang malalaman sa susunod na linggo kung meron at kung anong milk products ang positibo sa melamine contamination.
Siniguro naman ng BFAD na ang gagawin nilang pagsusuri ay masinsinan para masigurong “credible” at walang pagkakamaling mangyayari sa magiging resulta nito.
Ayon pa kay Guittierrez na malaki ang maitutulong ng ‘reference standard for melamine’ na dumating na sa bansa na gagamiting basehan sa gagawin nilang pagsusuri.
Bukod pa rito, may mga makina rin umano ang BFAD na angkop sa gagawing “melamine testing” na malaki ring tulong para mapabilis ang nasabing pagsusuri.
Partikular na isasapublikong listahan ay ang mga produktong makikitang kontaminado ng melamine at hiwalay na listahan para sa mga produktong negatibo sa melamine.
Kabilang naman sa mga produktong kasama sa banned list ay ang Mr. Brown instant coffee and milk tea, at ang fresh milk na Jolly Cow, Yili at Mengniu.