Approval rating ni Villar pinakamataas, GMA sadsad
Nakuha ni Senate President Manny Villar ang pinakamataas na approval rating na 72% sa hanay ng pinakamatataas na opisyal ng gobyerno sa isinagawang survey ng Pulse Asia
Samantala nakuha naman ni Pangulong Arroyo, hindi lamang ang pinakamababang approval rating na 22%, kundi ang pinakamataas din na disapproval rating na umabot sa 48%.
Ang kawalan ng pasya ng publiko ukol sa pagtatrabaho ng mga pangunahing opisyal ng gobyerno ay kitang-kita sa puntos nina House Speaker Prospero C. Nograles at Supreme Court Chief Justice Reynato S. Puno na kapwa nakakuha ng 39%.
Sa survey na isinagawa noong Hulyo 1-14 ng taon, nakakuha naman si Vice President Noli L. de Castro ng mataas na approval rating na 59%, habang halos patas naman ang approval ratings nina House Speaker Nograles at Pangulong Arroyo. Nakakuha si Nograles ng 24% habang 22% sa Pangulo.
Si Senate President Villar lang ang nakakuha ng single-digit na disapproval score na pumalo sa 8% at sa kaniya rin ang pinakamababang puntos mula sa mga undecided o hindi pa tiyak ang pasya.
Halos hindi gumalaw ang pangkalahatang performance rating ng mga nabanggit na pinakamatataas na opisyal sa pagitan ng mga buwan ng Marso at Hulyo.
Namukod-tangi lang sa obserbasyong ito si Villar na lumundag ng 10 puntos ang approval rating gayundin ang 8% na ibinaba ng disapproval rating ni Chief Justice Puno. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending