Ipinagbawal kahapon ng Bureau of Food and Drugs ang pamamahagi at pagbebenta ng mga produktong gatas mula sa mga kumpanyang Mengniu Dairy Co at Inner Mongolia Yili Industrial Group ng China dahil sa hinalang kontaminado ito ng nakakalasong kemikal na melamine.
Ito ang nabatid sa isang ulat kahapon ng ABS-CBN bagaman, sa isang pahayag, sinabi ni BFAD Director Leticia Gutierrez na kanila pang sinusuri ang mga produkto ng Yili at Mengniu na ibinebenta rito sa bansa.
Ilang araw nang napapabalita ang pagkakalason ng maraming sanggol sa China dahil sa pag-inom ng gatas na may halong melamine.
Ayon sa Bureau of Customs, may 2.14 milyong kilo ng gatas ang inimport ng Pilipinas mula sa China sa unang walong buwan ng taong ito.
Sinabi pa ng BFAD na wala pang patunay na nakapasok dito sa bansa ang produkto ng Sanlu group, isa sa mga kumpanya sa China na gumawa ng nakakalasong gatas.
Marami na ring supermarket ang nagpasyang tanggalin sa kanilang mga paninda ang lahat ng gatas na gawa sa China bago pa man masimulan ang imbestigasyon ng Department of Health.
Sinabi ng mga opisyal ng Philippine Supermarket Association na nais lang nilang tiyakin na walang madidisgrasya sakaling makumpirma ng DOH na kontaminado ang mga gatas.
Ang melamine ay isang kemikal na mataas sa nitrogen content at ginagawa itong sangkap sa paggawa ng mga plastic materials. Kapag naihalo umano ito sa gatas o anumang uri ng inumin ay makakasanhi ito ng bato sa kidney o kidney failure partikular na sa mga sanggol.
Kasabay nito, inatasan ni Manila Mayor Alfredo Lim si City Health Officer Dra. Ma. Lorraine Sanchez na makipagtulungan sa pagkilos ng gobyerno laban sa gatas na may halong melamine.
Kabilang sa direktiba ang pagkuha ng milk samples para ipasuri sa BFAD at ibalik na lamang ito sa mga tindahan sa oras na maipasuri kung lilitaw na negatibo sa melamine.
Kabilang sa tinututukan ng Manila City Hall ang mga tindahan ng imported products sa Sta. Elena, Sto. Cristo at iba pang tindahan sa Binondo at Quinta market. (Rose Tamayo-Tesoro, Gemma Garcia, at Ludy Bermudo)