British pedophile arestado ng BI
Naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang British pedophile na wanted sa Great Britain dahil sa pangmomolestiya sa isang pitong-taong gulang na batang babae.
Sinabi ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na nakadetine ang 70-anyos na si Michael Cassidy sa BI detention center sa Bicutan matapos maaresto sa kanyang tahanan sa San Francisco St., Rockyside Village, Taguig City.
Ayon kay Libanan, na siyang naglabas ng mission order para sa pagdakip kay Cassidy, agad ipatatapon ang Briton pabalik sa United Kingdom sa oras na ilabas ng BI Board of Commissioners ang summary deportation order laban dito.
“The Philippines is not a sanctuary for child molesters and sex offenders,” wika ni Libanan, na nagsabing patuloy rin ang pagtugis sa iba pang dayuhang pedopilya na pinaniniwalaang nagtatago sa bansa.
Dagdag pa ni Libanan, tuluy-tuloy ang koordinasyon ng BI sa Interpol at iba pang law enforcement agencies dito at sa ibang bansa upang matukoy ang pagkakakilanlan ng iba pang foreign sex offenders na tinutugis ng batas.
Ayon kay BI Associate Commissioner Roy Almoro, nakatakda nang dinggin ang kaso ni Cassidy sa Great Britain kung saan siya ay registered sex offender sa ilalim ng Sexual Offenses Act of 2003 ng United Kingdom.
Ilalagay ang Briton sa blacklist at pagbabawalang pumasok sa bansa dahil sa pagiging undesirable alien, dugtong ni Almoro.
Nang maaresto si Cassidy, nakita rin na overstaying na ito sa bansa ng dalawang taon. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending