Gatas na nire-repack mapanganib
Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasang bumili ng mga nire-repack na gatas partikular ang walang brand name o tatak tulad ng nagkalat sa mga palengke dahil hindi sigurado kung may sangkap itong ‘mela mine’ kemikal na mapanganib sa kalusugan.
Ang mga gatas umanong gawa ng Mengniu Dairy Group Co. at Yili Industrial Group Co. ng China ay kontaminado ng melamine at dahilan nang pagkamatay ng apat na sanggol at pagkakasakit ng 6,200 iba pang bata sa China.
Sa paglilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III, maraming mahihirap ang bumibili ng mga unbranded na gatas dahil sa inaakalang nakatitipid sila subalit lingid sa kaalaman na may posibleng banta ito sa kalusugan.
Sakaling may matuklasang delikadong sangkap sa gatas na walang tatak, sinumang nakainom o nakakain nito ay hindi malalaman kung sino at anong kumpanya ang papanagutin.
Sa ulat, ang melamine ay isang kemikal na walang nutritional value subalit mataas umano sa nitrogen na ipinanghahalo sa milk products upang palitawin na mataas sa protina.
Ang nasabing kemikal ay ginagamit sa paggawa ng mga plastic na kasang kapan at fertilizer.
Iniulat ng Saksi ng GMA Network na may ilang malls sa Metro Manila ang nagbebenta ng gatas na gawa ng dalawang nabanggit na kompanya.
Taliwas naman ito sa ulat ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) na walang ibinibentang gatas sa Pilipinas na gawa ng Mengniu at Yili.
Tiniyak din ni BFAD Dir. Leticia Gutierrez na wala sa listahan ng mga imported products ng BFAD ang Sanlu Milk ngunit sa kabila nito ay isinalang na rin umano sa “sampling” ang lahat ng anumang uri ng gatas na nanggaling sa China upang matiyak na hindi kontamindo ang mga ito.
Pinayuhan naman ng BFAD ang mga milk consumers na tingnan munang maige ang label ng mga produktong binibili at suriin kung may mga BFAD registration number ang mga ito at hindi pa expired ang produkto.
Pinag-iingat na rin ang publiko sa pagbili ng mga gatas na walang tatak at ibinibenta sa ilang pa lengke sa bansa lalo na sa Divisoria market sa Maynila.
Ayon naman kay Atty. Federico Ples ng Philippine Association of Supermarkets na halos 90 porsiyento umano ng kanilang itini tindang gatas ay gawa sa Pilipinas, habang ang sampung porsiyento naman ay pawang galing ng Australia, New Zealand, Amerika at Europa.
Ilang grocery lang umano ang nagtitinda ng gatas mula sa China ngunit mga evaporated milk o ebaporada ang mga ito at hindi mga powdered milk gaya ng diskripsiyon ng Sanlu. (Ludy Bermudo/Rose Tesoro/Malou Escudero)
- Latest
- Trending