Malabo ng magkaroon ng divorce sa Pilipinas dahil sa Senado pa lamang ay 11 senador na ang tutol sa panukalang ito na isinusulong ngayon sa Kamara.
Kabilang sa mga senador na tutol sa divorce sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., Sens. Francis “Kiko” Pangilinan, Juan Miguel Zubiri, Alan Peter Cayetano, Gringo Honasan, Jose “Jinggoy” Estrada, Ramon “Bong” Revilla, Francis “Chiz” Escudero, at Rodolfo Biazon, Loren Legarda at Jamby Madrigal.
Pabor namang magkaroon ng diborsiyo sa bansa sina Sens. Miriam Defensor-Santiago, Richard Gordon, Noynoy Aquino, Mar Roxas, Pia Cayetano.
Siyam na taon nang isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang divorce bill na inihain ngayong 14th Congress ni Congw. Liza Maza na nakapaloob sa HB3461.
Bagaman at wala pang divorce law sa bansa, lumabas naman na tumatas ang bilang ng mag-asawang gustong maghiwalay sa 7,753 ang annulment cases na naitala ng Office of the Solicitor General noong 2007, mas mataas sa 7,138 na kasong inihain noong 2006.
Bagaman at kapwa pabor sa diborsiyo sina Aquino at Roxas, hindi sila pabor sa mabilisang diborsiyo na katulad sa ibang bansa kung saan maaaring magpakasal sa umaga at magdiborsiyo sa hapon.
Maging sina Gordon at Santiago ay naniniwala na dapat nang magka roon ng diborsiyo sa bansa, pero hindi umano ito dapat maging madali at dapat ay maging istrikto ang batas.
Pero nilinaw ni Madrigal na kung sinasaktan na ang asawang babae, dapat na itong humiwalay sa kanyang asawa.
Ikinatuwiran naman ni Legarda na meron ng civil at church annulment sa bansa kaya hindi na kailangan ang diborsyo, pero nais pa rin niyang makita ang nilalaman ng panukala.
Ikinatuwiran naman ni Zubiri na hindi siya pabor sa diborsiyo dahil kung may divorce law na sa Pilipinas ay siguradong matagal ng hiwalay ang kanyang mga magulang.
“Against ako sa divorce law kasi kung nangyari yon kung matagal na yang naging republic act matagal nang naghiwalat ang nanay at tatay ko dahil sa away. Alam mo yong away pamilya. Away mag-asawa,” ani Zubiri.
Takot naman si Revilla na magkaroon ng Divorce Law sa bansa dahil baka umano siya i-diborsiyo ng kanyang asawang si Lanie Mercado.