Makakalaban ni Villar sa 2010, magdeklara na rin - Cayetano
Sa gitna nang sunud-sunod na isyu na ibinabato kay Senate President Manuel Villar mula nang magdeklara itong tatakbo sa 2010 presidential elections, hinamon kahapon ni Sen. Alan Peter Cayetano ang mga nag-aambisyong maging presidente ng bansa na magdeklara na rin upang maging parehas ang laban.
Ayon kay Cayetano, nagpakatotoo lamang si Villar nang ideklara niya ang hangaring tumakbo sa pagka-pangulo sa 2010.
Sinabi pa ni Villar na dapat magdeklara na rin ang mga nais kumalaban kay sa Senate President na nahaharap ngayon sa isyu ng P200 milyong budget insertion sa proyekto ng C-5.
Naniniwala si Cayetano na ang biglang pagbubunyag ng P200 milyong budget insertion ay may kinalaman sa pulitika at eleksiyon sa 2010.
Hindi naman umano kasalanan ni Villar na marami itong lupa sa Las Piñas na mapapaboran sa extension ng C-5 hanggang Cavite.
“Itong Daang Hari panahon pa ni Ramos (Fidel) itinutulak na ni Congressman Villar noon pa dahil makikinabang ang Las Pinas dahil may lupa siya doon, pero alam ko lahat ng major developer may lupa doon at hindi nga majority ‘yong kay Villar,” ani Cayetano.
Nagiging ‘unfair’ umano ngayon ang sitwasyon sa Senate president dahil madali na itong nababato ng mga posibleng makalaban niya sa 2010.
“Dapat siguro magdeklara na rin yong mga kalaban niya kasi parang kung sinong mga santo kung mag-accuse pero kung balak ding tumakbo, sabihi na nila,” ani Cayetano. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending