Sabio naghain ng leave
Sa kabila ng pahayag na hindi magbibitiw sa puwesto, naghain kahapon ng leave of absence si Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio na nasabit ang pangalan sa umano’y suhulan sa Court of Appeals kaugnay ng kaso ng Manila Electric Company at Governnent Insurance System.
Sinabi kahapon ni Press Secretary Jesus Dureza na magsisimula sa Setyembre 29 ang pagbabakasyon ni Sa bio.
Layunin ng pagbabakasyon ni Sabio na bigyang-daan ang imbestigasyon ng Korte Suprema sa iskandalo sa suhulan sa CA.
Nasangkot ang pangalan ni Sabio nang aminin ng kapatid niyang si CA Associate Justice Jose Sabio Jr. na tinawagan niya ito para irekomendang kampihan ang PCGG sa kaso.
Si Justice Sabio rin ang nagbunyag na inalok siya ng umano’y “emisaryo” ng mga Lopez na si Francis de Borja, isang negosyante, ng P10 milyon kapalit ng pagbibigay-daan sa ibang mahistrado na hahawak sa kaso.
Dahil sa iskandalo, tinanggal ng SC sa pwesto si CA Associate Justice Vicente Roxas habang sinuspindi naman nang dalawang buwan si Justice Sabio.
Mas mababang parusa naman ang ipinataw kina Justices Bienvenido Reyes, Conrado Vasquez, at Myrna Dimaranan-Vidal.
Sa pagbabakasyon ni Chairman Sabio, pansamantalang papalit sa kanyang pwesto sa PCGG si Commissioner Narciso Nario. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending