BI may 2 bagong satellite offices
Bilang pagsunod sa decentralization program ng pamahalaan, binuksan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang bagong satellite offices sa labas ng Metro Manila upang ilapit ang serbisyong ibinibigay ng ahensiya sa mga dayuhang nakatira sa mga kalapit na lalawigan.
Mismong si BI Commissioner Marcelino Libanan ang nanguna sa pagbubukas ng dalawang satellite offices sa Taytay, Rizal at Sta. Rosa, Laguna, na puwede ring ibigay ang tulong at serbisyong ibinibigay sa main office ng BI sa Intramuros, Manila.
Pinasinayaan din ni Libanan ang bagong field office ng BI sa SM Mall of Asia sa Parañaque City, na lalong naglapit sa ahensiya sa mga dayuhang nakatira sa Southern Tagalog provinces tulad ng Cavite, Batangas at Laguna.
Sa tulong ng mga bagong tanggapan, sinabi ni Libanan na mababawasan nang husto ang dami ng transaksiyon sa BI main office sa Intramuros na makabubuti rin sa mga empleyado ng ahensiya at nakikipagtransaksiyon sa nasabing tanggapan.
Pinasalamatan naman ni Libanan si Taytay Mayor Ricardo Gagula sa pagpayag nito na gamitin ang isang lugar sa Taytay Municipal Building, na nagsisilbi rin bilang tanggapan ng ilang ahensiya ng Rizal Province.
- Latest
- Trending