Pag-aresto sa 2 solons inilarga na ng PNP
Anumang oras ay handa na ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang dalawang Kongresista ng Oriental Mindoro na inisyuhan ng warrant of arrest ng Sandiganbayan dahilan sa pagkakasangkot sa katiwalian.
Sinabi ni Supt. Edwin Diocos, Chief ng Investigation Division ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hawak na nila ang warrants of arrest laban kina Oriental Mindoro Rep. Rodolfo Valencia (1st District) at Rep. Alfonso Umali Jr. ( 2nd District).
Ayon kay Diocos, mangunguna sa pag-aresto sa dalawang solon ang kanilang yunit sa National Capital Region, Region 4B sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) at ang kanilang Detection and Special Operations Division.
Bukod sa tahanan nina Reps. Valencia at Umali ay susuyurin din ng mga awtoridad ang mga lugar na hangout areas o tinatambayan ng mga ito at maging ang kanilang tanggapan sa Kamara.
Inihahanda na rin ng pulisya sa pakikipag-ugnayan sa House Sgt.-at-Arms upang makapasok sila sa Kamara at isilbi ang warrant of arrest laban sa dalawang Kongresista.
Nitong Martes ay hinatulan ng Sandiganbayan anti-graft court sina Valencia at Umali at ilan pang lokal na opisyal ng Oriental Mindoro matapos na mapatunayang guilty sa kasong pagda-divert ng pondo ng gobyerno para sa mga biktima ng kalamidad sa lalawigan.
Sa ibinabang desisyon ng Sandiganbayan Fourth Divison ay napatunayang guilty sina Umali at Valencia sa paglilipat sa P2.5M public funds para sa operasyon ng pribadong ferry boat sa kanilang lalawigan.
Kasama rin sa anomalya sina Pedrito Reyes, Jose Enriquez, Jose Leynes at Engineer Alfredo Atienza.
Ang mga ito ay nasentensyahan ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong at pagkakadismis sa serbisyo sa dalawang solons. Hindi naman dumalo sa promulgasyon ng kaso ang dalawang mambabatas. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending