Libreng pa-ospital sa mga bumbero
Lumagda sa isang memorandum of agreement ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at ang pa munuan ng Chinese General Hospital and Medical Center para bigyan ng kaukulang benepisyo ang mga bumbero sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduan na nilagdaan nina Fire Director Enrique Linsangan, Chief, Bureau of Fire Protection at Dr. James G. Dy, President, Philippine-Chinese Charitable Association, Inc. (PCCAI) at may-ari ng Chinese General Hospital and Medical Center, ang lahat ng lehitimong miembro ng BFP ay libre sa lahat ng gastusin sa konsultasyon at pagpapagamot kasama na ang major operations at surgeries kung ang ugat ng pagkasugat ay dulot ng ginawang pagtupad sa tungkulin sa pagtugon sa mga sunog.
Bukod dito, ang mga bumbero ay bibigyan din ng 50 percent discount sa mga bayarin sa room occupancy at 30 percent disctount sa laboratory, pulmonary, at x-ray services kung mayroon namang karamdaman ang mga ito.
KInilala ni Dr. Dy ang trabaho ng mga bumbero sa pagtugon sa anumang emergency ng mga sunog kahit itaya ang kanilang buhay kaya marapat lamang anya na bigyan ng ganitong uri ng serbisyo ang mga bumbero sa bansa. Ang PCCAI sa Blumentritt, Maynila ay may 131 taon nang nagsasagawa ng charity works. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending