Jemaah aatake; AFP alerto
Inalerto kahapon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Alexander Yano ang tropa ng militar hinggil sa posibleng sympathy attacks ng dayuhang teroristang grupong Jemaah Islamiyah dahil sa patuloy na pagtugis ng militar sa mga renegades na Moro Islamic Liberation Front sa Mindanao.
Nauna rito, ibinasura ng AFP ang panukalang tigil-putukan sa panahon ng Ramadan dahil nais nilang managot sa batas ang dalawang lider ng MILF na sina Abdulrahman Macapaar alyas Commander Bravo at Ameril Umbra Kato.
Si Bravo ang nasa likod ng madugong pag-atake sa Lanao del Norte noong Agosto 18 habang si Kato naman ang namuno sa puwersahang pagsakop sa 15 barangay sa North Cotabato nitong unang bahagi ng nakalipas na buwan.
Sa tala ng militar, ang JI ang siyang nagsanay sa terorismo sa MILF renegades at maging sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Hindi inaalis ng AFP ang posibilidad na magsagawa ng pambobomba sa mga urban centers sa Mindanao ang JI upang ilihis ang operasyon ng militar laban sa MILF at maging sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Pinaboran naman ni House Speaker Prospero Nograles at iba pang kongresista mula sa Mindanao ang operasyon ng militar laban sa MILF kahit na ginugunita ngayong Setyembre ang Ramadan na isang banal na panahon ng mga Muslim.
Sinabi ni Nograles na walang pinipiling lugar o panahon ang hustisiya kapag lumabag sa batas ang tao.
Iginiit ni Lanao del Norte Rep. Abdullah Dimaporo na dapat mahuli sa lalong madaling panahon sina Kato at Bravo.
Ayon sa kanya, kahit na buwan ng Ramadan ay hindi dapat itigil ang military at police operation sa mga lugar na pinagtataguan ng dalawang mamamatay tao.
- Latest
- Trending