Ilaga pinadidisarmahan
Hiniling ng militanteng grupong Anakpawis sa pamahalaan na agarang disarmahan ang vigilante group na Reform Ilaga Movement dahil ang naturang grupo ay maaari umanong magdulot lamang ng pagtindi pa ng kaguluhan sa Mindanao.
Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Rafael Mariano, ang revival ng naturang grupo ay magbubunsod lamang ng pagbuhay sa mga pagkakasangkot nito sa mga pang-aabuso tulad ng ginawa noong 1970s na naging daan ng malawakang paglabag sa karapatang pantao.
Anya, ang naturang grupo din ay magiging balakid sa peace negotiations na ginagawa sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nangangamba rin si Cotabato Archbishop Orlando Quevedo sa posibleng pagsiklab ng civil war sa ilang lalawigan sa Mindanao kasunod ng banta ng Ilaga na handa na ang kanilang pwersa upang labanan ang MILF na umatake sa North Cotabato.
Ang Ilaga group ay sinasabing aktibo ngayon na may 10-libong kasapi at handa umano anumang oras na ipagtanggol ang mga Kristiyano maging ang Muslim na apektado rin sa pag-atake ng MILF.
Sinabi naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita na walang basbas ng Malacañang ang Ilaga group dahil ang awtorisado lamang ng gobyerno ay mga deputized para-military group tulad ng Civilian Volunteers Organization kaya kung sakaling magpatuloy ang Ilaga sa kanilang adhikain ay puwede silang makasuhan.
Pero ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, kahit na nagbanta ang Ilaga na papatay sila ng 10 rebelde sa tuwing may mapapatay na isang sibilyan ang MILF ay wala pa rin umano itong nilalabag na batas.
Hndi pa anya maaaring kasuhan ang naturang grupo dahil pawang pagbabanta pa lamang ang ginagawa ng mga ito.
Iginiit naman ni DOJ Undersecretary Ricardo Blancaflor na hindi pinapayagan ng batas na ilagay sa kamay ng sinuman ang hustisya dahil may mga nakatalagang awtoridad upang magpatupad nito.
Iginiit din nito na hindi pinagbabawalan ng gobyerno ang pagbuo ng anumang grupo kung ang mga ito ay mananatiling payapa at hindi maghahasik ng karahasan.
Maaari lang umanong lumaban ang naturang grupo sa MILF kung sasalakayin ng mga rebelde ang kanilang bayan at kinakailangan nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Nabatid na ang Ilaga ay pinamunuan din ng convicted Italian priest killer na si Roberto Manero. Siya ang sumunod na lider mula sa founder nitong si Feliciano Luces alyas “Toothpick” na umatake sa isang Muslim village sa Cotabato noong 1970. (May ulat nina Ludy Bermudo, Rudy Andal at Gemma Garcia)
- Latest
- Trending