BI kinampihan ng dating hepe
Nakakita ng kakampi ang Bureau of Immigration sa katauhan ng isang kritiko ng gobyerno, si opposition Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na pinuri ang record ng ahensiya sa paglaban sa human smuggling at pagpasok ng illegal aliens sa bansa.
Sinabi ni Rodriguez, na nagsilbi ring pinuno ng BI mula 1998 hanggang 2001, na dapat bigyang parangal ang ahensya sa pagsisikap nitong mapanatiling ligtas ang bansa sa terorista at mapangalagaan ang kapakanan ng OFWs.
Ngayong taon lang, napigil ng BI ang daan-daang tangka ng ilang undocumented migrant workers sa pagbiyahe patungong ibang bansa na taliwas sa akusasyon ni Senate President Manny Villar na natutulog sa pansitan ang ahensiya sa kampanya nito laban sa human trafficking.
Bago dito, dinipensahan ni Atty. Batas Mauricio, founder at first nominee ng party list group BATAS o Bagong Alyansang Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan, ang BI laban sa birada ni Villar.
Ayon kay Mauricio, hindi dapat ibunton ni Villar ang lahat ng sisi sa BI dahil sa pagdagsa umano ng undocumented OFWs dahil ang pangunahing trabaho ng BI ay bantayan ang pagpasok at paglabas ng mga dayuhan sa bansa at ipatupad ang immigration laws ng Pilipinas. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending